Project Kuwaderna
November 1, 2023•1,001 words
"Ah, nandito ka pala. Kanina pa kita hinahanap."
Hawak-hawak nya yung isang notebook na yun, tapos sa harapan nya e isa pang kahon ng mga mas malalaking notebooks. Alam ko yung mga yun. Mas maganda nga na tawagin silang journal kaysa notebook eh. Kaya lang, di tulad ng journal, ang laman ng mga notebook nya eh puro drawing at stickers. Mas magandang tawagin na lang yung mga yun na scrapbook.
Lahat sila ay napaka luma na. Yun yung mga design na sobrang kulay na nakakasilaw na sa mata. Binuklat nya yung isa mula sa pinkadulo. Kitang-kita yung paglipad na alikabok sa hangin. Ay, ano ba naman yan. Napunta tuloy sa akin.
"Bakit sa dulo mo binuksan?" sabi ko, sawa na sa katahimikan.
"Kasi sa dulo ako lagi nagdradrawing." sabi niya. "Baka kasi makita ng teacher."
"Pedeng patingin?"
"Sige, sige, kuha ka lang."
Kaya ayun, lumakad ako tungo sa mga kahon, kamay sa ilong, tapos kinuha yung pinakamalapit. Di ko naman talaga binigyan ng pansin. Eto palang nakuha ay balot sa blue, at naalala ko kung bakit sya blue. Sabi ni Ma'am Lourdes eh nakuha na daw ng Section B yung green, kaya binalutan nya tong green niya talagang notebook. "Grade 6-A - Hekasi - Narina B. Vargas."-- nakasulat yung mga yun sa yupas na blue sa ilalim ng plastic cover. Tinignan ko siya ulit, si Narina. Mukhang masaya yung mukha niya. Mukhang natatawa. Ano bang tinitignan niya?
Binuklat ko yung Hekasi notebook niya. Isang malaking "H E K A S I" din sa pinaka-unang pahina. "Haha," napasabi ko tuloy. Di na kami nag-gaganto sa college. Sa college, wala nang pasa pasa ng notebook. Ang meron na lang kaming notebook eh yung sa isang subject na pinapa-journal kami. Syempre, yun, puno ng english tsaka kaplastikan.
Isa pang buklat. Ah, oo, eto yung pinaka-una naming pinag-aralan nun, diba? Halos di ko na nga maalala. Yung mga Negritos, ano-ba-to, tsaka mga Malay. Naaalala ko lang e ang palatandaan ko dun sa pangalawa e Indonesia. Indones ata. Basta yung magaganda yung gawa nilang bahay, tapos mapuputi sila. Naalala ko agad yung iba pang sinasabi dun sa dalawa: na yung mga Negritos ay tumawid sa bansa gamit yung tulay na lupa, parang ganun; habang yung mga Malay naman yung mga nakaimbento ng unang bangka. Ano nga ba yun? Ah, yung "balanghay".
"Ang pangit naman ng sulat mo, Nari."
"P***-i* mo." sagot niya.
Napangiti na lang ako.
Sige lang, buklat pa. Unti-unti na kong natutuwa sa notebook na to. May pa-aso't pusa pa syang drawing kung saan saan. Meron syang drawing ng martilyo tsaka may mga bilog na kinulayang ng lagpas-lagpas na dilaw.
"Ano to, ginto?" sabi ko, sa sarili ko lang. Malamang ginto yun. Nakalagay nga sa pinakataas, sa mga unang malalaking linya ng notebook e "Bronze Age". Teka, pinag-aralan ba talaga namin yun?
'Pagbabarter -> sa mga Tsino'-- tapos nakaguhit yung salitang "Pagbabarter".
"Hoy ano ba kasi yang binabasa mo?" sabi ni Nari. Hinarap ko sa kanya yung cover ng notebook. Tumango sya, tapos bigla na lang syang ngumiti.
"Tignan mo yung nasa likod."
Kaya tinignan ko.
Merong drawing ng isang babaeng kunot yung noo. Medyo mataba tapos nakapaldang parahaba. Yung mga braso niya ay gawa pa-stickman at malaking itim na bilog lang ang mga mata. Slanted yung kilay, may hawak hawak na ruler, tapos may sungay at buntot ng demonyo. May malaking arrow na nasa tabi tapos nakasulat "Ma'am Lourdes". Kung mas bata ako, eh tatawa ako ng malakas sa nakikita ko. Pati pala si Nari nag-gaganto. Namimiss ko na yung mga araw kung saan normal pa nga talaga to. Alam ko at sabi lang nya kanina ay nagdradrawing nga sa likod ng notebook, pero alam naman ng lahat na di na dapat ginagawa yung pag high school ka na o mas matanda. Yung notebook kong pang college e binder na lang-- may drawing ba kahit saan? Wala, maliban na lang sa isa dun sa statistics ng mga positive at negative skewed. Pero wala man lang sulat o guhit na di tungkol sa pag-aaral.
"HAHAHAHAHA" tawa ng malakas ni Nari. Tuwang-tuwa sya ng makita nya yung drawing na demonyo. "Grabe, throwback. Naalala mo pa ba si Ma'am?"
"Oo." kaya lang hindi ko na maalala yung apelido nya. Laging Ma'am Lourdes yung tawag namin sa kanya.
"Naalala mo ba yung periodical natin sa kanya noon?"
"Ano nangyari?"
"Daming pa-essay. Gusto ko na ngang umiyak e. Buti na lang pinakopya ko ni Jasmine."
"Ay si Jasmine? Diba sya yung naging girlfriend ni Kiana?"
"Ay oo nga no. Miss ko na rin si Jasmine."
"Pero yun talagang periodical ni Ma'am Lourdes alalang-alala ko yun. Sabi e meron daw dalawang essay na parehong-pareho-- kaya ayun, katinginan agad kami ni Jasmine. Pero ok lang pala, hindi kami yun. Akala ko babagsak na ko nun eh, pero naka line of 4 pa pala ako? Di mo ba natatandaan? Up to 50 yun."
Up to 50 lang yun. Nang high school more than 50 items lagi pag final exam. Tapos ngayon, yung up to 50 o normal na quiz lang pang araw-araw. Marerealize mo na lang sa sarili mo na yung dating napakahirap na maiiyak ka na e ngayon "ganto naman talaga yan" sayo. Tapos marerealize mo na rin, sa ganong pag-iisip, na kung may kumausap sayong high school, nagtatanong kung "up to ilan po ang test sa college?", tapos sumimangot kapag sinabi mo yung malaking numero, ang sasabihin mo na lang talaga e "masasanay ka rin."
"Haha, no? Tapos naalala mo pa yung nat?"
"Nat?" hinalukay ko yung isip ko kung ano nga bang parte ng Hekasi yung may Nat. "Anong Nat?"
"Yung National Achievement Test."
"Anong na--ah, yung National Achievement Test."
"Naalala mo pa yung nakuha mo dun?"
"Syempre hindi na. Binigay ba nila satin yung score natin?"
"Hinde! Yun na nga eh, hindi nila binigay satin yung score natin! Kahit kailan!"
Yun lang yun, mga kaunting bagay.
Mga katiting na halos di na maalalang mga bagay.
"Asan na ba ko ngayon?" "Nandito ka na, tapos ka na doon."