Tuloy ang Laban!
June 30, 2022•256 words
Ano ang mangyayari kapag naluklok sa kapangyarihan ang anak ng diktador?
Halos 36 taon makalipas ng patalsikin ng taongbayan, muling nagbalik ang mga Marcos sa Malacañang. Kaya naman, tuloy ang pakikibaka laban sa tiraniya ng kurakot at tiwaling sistema, at pati na rin sa mga panibagong banta ng disimpormasyon at fake news.
Sa pagpasok ng bagong administrasyon, dapat tayong maging mapagmatyag sa mga banta sa demokrasyang nakamit sa pagpapatalsik kay Marcos Sr., ang tatay ng uupong pangulo. Dapat tayong maging mapagmatyag laban sa unti-unting pagbawi ng mga karapatang natamasa na winarak ng diktadurya. Nahaharap ang bansa sa isang mapanghamon na realidad dulot ng pandemic, inflation, at patuloy na panghihimasok ng Tsina, kaya naman mahalaga ang pagtutok sa magiging galaw ng pamahalaan na patuloy na nagpapahirap ng taongbayan.
Ang hamon ay mas matingkad sa panibagong panahon dahil hindi lamang ang pag-sensura ng malayang pamamahayag ang problema, nagbabadya rin ang pag-lehitimo sa mga nagpapakalat ng fake news at disimpormasyon. Nagamit ng kampanya nina Marcos Jr. at Duterte ang makinarya ng mga fake news at trolls upang maghasik ng kung ano-anong kamalian at kabaluktutan ng katotohanan. Pilit ding binabaliktad ang kasaysayan upang ilarawan ang isang kahapon na taliwas sa totoong naratibong puno ng karahasan at pagdurusa.
Hindi dapat tayo magpapatinag sa mga intimidasyon ng pamahalaan para patahimikan ang batikos at daing ng mga mamamayan. Hindi dapat tayo magsasawang labanan ang sistemang pilit na nagpapahirap sa karaniwang mamamayan. Dapat lagi tayong tumindig. Dahil sa susunod na anim na taon, tatlong salita lamang ang patuloy na mananaig: "tuloy ang laban!"