Araw ng Paglaya or Patuloy na Pang-aalipusta?
May 8, 2022•477 words
Bukas na ang isa sa pinaka-importanteng araw para sa maraming Pilipino: ang araw ng botohan. Sa araw na ito, ihahalal ang mga mauupo sa kapangyarihan na magtatakda ng kinabukasan ng Pilipinas. Ang boto ang magsisilbing daan para ipanatili — o ibahin — ang takbo ng bansa at ang agos ng kasaysayan. Kaya naman, itong araw na ito ay maaaring araw ng paglaya — o patuloy na pang-aalipusta mula sa mga naghaharing-uri at makapangyarihan.
Ang Mayo 9 ay maaaring maging araw ng patuloy na pang-aalipusta. Pang-aalipusta, mula sa sa mga makapangyarihan na hindi tumatalima sa daing ng masa. Pang-iinsulto, mula sa mga kurakot at suwail na hindi tumutugon at patuloy na nagpapahirap sa mga nasa laylayan. Sa anim na taong nakalipas, maraming mga nangako at nagkunwaring magdadala ng pagbabago sa lipunan. Ngunit, sila ay nakalimot at nasilaw ng kapangyarihan. Ang nagsabi ng change is coming ay nagdala ng mga pagbabago: dumami ang mga bulok na politiko, bumagal ang paggalaw ng ekonomiya, at lumala ang kalidad ng buhay. Ang pagbabagong minithi ay itinapon sa basurahan at ang nabubulok na sistema ay patuloy na pinairal. Kaya naman, nanumbalik ang mga dating napatunayang nagnakaw at napakulong. At ang malala, naging normal ang mga tiwaling transaksiyon sa gobyerno. Nakita naman din sa anim na taon ang pagbulusok ng demokrasya sa pag-iral ng mga patayan, disinformation, at fake news. Nabawasan ang diskurso mula sa mga disenteng pagkukuro-kuro tungo sa pagbabatuhan ng mga masasakit na salita at fallacies.
Ngunit ang Mayo 9 ay araw din ng paglaya. Paglaya, mula sa bulok na sistema na patuloy na umiiral. Pag-asa, para sa bayang nalugmok ng utang at maling pamamahala. Ang susunod na anim na taon ay maaaring magtanim ng bagong kinabukasan na magdadala ng ngiti at kagalakan para sa mga kasalukuyan at hinaharap na henerasyon. Hindi man magiging perpekto itong kinabukasan, pero ito ay magsisilbing pundasyon para sa mas mabuti at maunlad na Pilipinas. Ang kulay rosas na bukas ay hindi nakasalalay sa iisang pinunong nangakong mag-aangat ng buhay ng lahat, pero ito ay nakadepende sa pagpupunyagi ng lahat ng Pilipino — mga magsasaka, mga uring manggagawa, kabataan, mga dehado sa buhay, mga NBSB/NGSB, at kung sino-sino pa na tinatawag ang kanilang sarili na Pilipino. Ang paglaya sa bulok na sistema na nagpapatuloy ay nakadepende sa araw ng botohan. Ang boto ang pinakamabisang sandata para sabihing, "tama na, sobra na" at ipamukha na ang tunay na kapangyarihan ay nasa masang Pilipino.
Kinabukasan, gigising tayong lahat upang iboto ang sinumang kumakatawan sa ating paniniwala at nagugustuhan. Ang boto para sa mga magnanakaw, sinungaling, tax evader, at nakakalimot sa husga ng kasaysayan ay pumipili para sa patuloy na pagbulusok ng inang bayan. Ang boto naman para sa mga tapat, may napatunayang track record at may tunay na pagmamalasakit ay pumipili para sa paglaya ng inang bayan sa mga mapaniil, ganid, at panatikong makapangyarihan. Kaya naman, "bayan, pumili ka!"